17Maaari kang magbuntong-hininga pero huwag mong ipapakita ang kalungkutan mo. Huwag mong alisin ang turban mo at sandalyas. Huwag mong tatakpan ang iyong mukha para ipakitang ikaʼy nagluluksa. Huwag ka ring kumain ng pagkaing ibinibigay para sa namatayan.”
18Kinaumagahan, sinabi ko ito sa mga tao, at kinagabihan din ay namatay ang asawa ko. Nang sumunod na umaga, sinunod ko ang iniutos sa akin ng Panginoon.
19Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang gusto mong sabihin sa ginagawa mong iyan?”
20Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ng Makapangyarihang Panginoon:
21Sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel, ‘Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon: Nakahanda na akong dungisan ang aking Templo na siyang sagisag ng ipinagmamalaki ninyong kapangyarihan, ang inyong kaligayahan at pinakamamahal. Mamamatay sa digmaan ang mga anak ninyong naiwan sa Jerusalem.