17Noong ikalabindalawang taon, nang ikalabinlimang araw ng buwan ding iyon, sinabi sa akin ng Panginoon,
18“Anak ng tao, magluksa ka para sa mga mamamayan ng Ehipto at sa iba pang makapangyarihang bansa. Dahil ihuhulog ko sila sa kailaliman ng lupa kasama ng mga namatay na.
19Sabihin mo sa kanila, ‘Nakakahigit ba kayo kaysa sa iba? Kayo rin ay ihuhulog doon sa ilalim ng lupa kasama ng mga hindi tuli
20na namatay sa digmaan.’ Mamamatay ang mga taga-Ehipto dahil nakahanda na ang espada ng mga kaaway na papatay sa kanila. Ang Ehipto at ang mga mamamayan niya ay kakaladkarin patungo sa kapahamakan.
21Buong galak silang tatanggapin ng mga makapangyarihang pinuno ng Ehipto at mga kakampi niyang bansa roon sa lugar ng mga patay. Sasabihin nila, ‘Bumaba rin sila rito! Kasama na nila ngayon ang mga hindi tuli na namatay sa digmaan.’