9Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang mga sinasabi ng Panginoon.
10Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon: Kalaban ko kayo, at may pananagutan kayo sa nangyari sa aking mga tupa. Hindi ko na ipagkakatiwala sa inyo ang aking mga tupa dahil ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan. Ililigtas ko ang mga tupa mula sa inyo upang hindi na ninyo sila makain.
11“Sapagkat ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon: Ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa at mag-aalaga sa kanila.
12Akoʼy magiging tulad ng pastol na naghahanap sa kawan niyang nakakalat. Ililigtas ko sila saang lugar man sila nakakalat noong panahon ng kaguluhang iyon.
13Titipunin ko sila mula sa ibaʼt ibang bansa at dadalhin sa sarili nilang lupain. Doon ko sila aalagaan sa mga kabundukan ng Israel, sa tabi ng ilog at mga lupang tinitirhan ng tao.