14“Kaya, anak ng tao, sabihin mo kay Gog na ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabi: Sa araw na iyon na namumuhay na nang tahimik ang mga mamamayan kong Israelita, malalaman mo iyon.
15Sasalakayin mo sila mula sa kinalalagyan mong malayong lugar sa hilaga kasama ang iyong marami at malalakas na mga sundalo na nakasakay sa kabayo.
16Sasalakayin mo ang mga mamamayan kong Israelita na parang ulap na nakapaligid sa kanila. Gog, ipasasalakay ko sa iyo ang aking lupain sa hinaharap. At sa pamamagitan mo ay maipapakita ko sa mga bansa ang aking kabanalan. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”
17Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Noong unang panahon, sinabi ko sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta ng Israel, na sa mga huling araw ay may sasalakay sa Israel. At ikaw ang tinutukoy ko noon.
18Ngunit Gog, sa araw na iyon ay ito ang mangyayari sa iyo: Kapag sinalakay mo na ang Israel, labis akong magagalit. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ang nagsasabi nito.