11“Sa panahong iyon, ililibing ko si Gog at ang napakarami niyang tauhan doon sa Israel, sa lambak ng mga manlalakbay, sa gawing silangan ng Dagat na Patay. Napakalawak ng libingang iyon. Kaya hindi na makakadaan doon ang mga naglalakbay. At tatawagin itong Lambak ng Hukbo ni Gog.
12“Aabot ng pitong buwan ang paglilibing sa kanila ng mga Israelita. Sa ganitong paraan ay malilinis ang lupain.
13Ang lahat ng mga mamamayan ay tutulong sa paglilibing. Hinding-hindi makakalimutan ng mga Israelita ang araw na iyon dahil sa ganitong paraan ay mapaparangalan ako. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ang nagsasabi nito.
14Pagkaraan ng pitong buwan, may mga taong susuguin na ito lang ang gagawin: Susuyurin nila ang lugar na iyon upang tingnan kung may natitira pang nagkalat na bangkay at ipapalibing nila ito upang malinis ang lupain.
15Kapag may nakita pa silang mga kalansay ng tao, lalagyan nila ito ng tanda upang makita ng mga maglilibing at upang mailibing nila sa Lambak ng Hukbo ni Gog.