19At kapag lumabas na sila sa bulwagan sa labas na kinaroroonan ng mga tao, kinakailangang hubarin muna nila ang mga damit na ginamit nila sa paglilingkod at ilagay doon sa banal na silid, at saka sila magsuot ng pangkaraniwang damit upang hindi mapinsala ang mga tao sa kabanalan nito.
20“Hindi rin sila dapat magpakalbo o magpahaba ng buhok, dapat lagi silang magpagupit.
21Hindi rin dapat uminom ng alak ang pari kung pupunta sa loob na bakuran ng Templo.
22Hindi sila dapat mag-asawa ng biyuda o ng hiwalay sa asawa. Ang kunin nilang asawa ay kapwa Israelita o biyuda ng kapwa nila pari.
23Tuturuan nila ang mga mamamayan ko kung alin ang banal at pangkaraniwan, kung alin ang malinis at marumi.