12Kapag ang pinuno ay mag-aalay sa Panginoon ng handog na sinusunog o handog pangkapayapaan na kusang-loob na handog, bubuksan para sa kanya ang pintuan sa gawing silangan. At iaalay niya ang kanyang mga handog tulad ng kanyang paghahandog sa Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, isasara agad ang pinto.
13“Tuwing umaga, kinakailangang may inihahandog sa akin na tupang walang kapintasan bilang handog na sinusunog para sa Panginoon.
14Sasamahan ito ng handog na pagkaing butil na tatlong kilong harina, at kalahating galong langis ng olibo na pangmasa sa harina. Ang tuntuning ito tungkol sa handog na pagkaing butil para sa Panginoon ay dapat sundin magpakailanman.
15Kaya tuwing umaga ay kailangang may inihahandog sa akin na tupa, harina, at langis ng olibo na pang-araw-araw na handog na sinusunog.”
16Sinabi rin ng Makapangyarihang Panginoon: “Kapag ang pinuno ay magbibigay ng pamanang lupa sa isa sa mga anak niya, ang lupang iyon ay para lang sa mga angkan niya habambuhay.