25Pagkatapos, ipinagkatiwala ko sa kanila nang walang kulang ang mga pilak, ginto, at mga kagamitang ibinigay ng hari, at ng mga tagapayo niya at mga opisyal, at ng maraming Israelita, bilang tulong sa bahay ng aming Diyos.
26Ito ang aking ipinagkatiwala sa kanila: 22 toneladang pilak, tatlong toneladang kasangkapang pilak, tatlong toneladang ginto,
27dalawampung gintong mangkok na mga waloʼt kalahating kilo ang timbang, at dalawang tansong mangkok na pinakintab na kasinghalaga ng ginto.
28Sinabi ko sa mga pari, “Kayo at ang mga kagamitang ito ay ibinukod para sa Panginoon. Ang mga pilak at ginto ay handog na kusang-loob para sa Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno.
29Ingatan nʼyo itong mabuti hanggang sa madala nʼyo ito sa mga bodega bahay ng Panginoon sa Jerusalem na walang kulang, sa harap ng mga namumunong pari, mga Levita, at ng mga pinuno ng mga pamilya ng mga Israelita.”