14Ginawa ito ng Diyos upang ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham ay matanggap din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Kristo Hesus; at upang matanggap natin ang ipinangakong Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.
15Mga kapatid, bibigyan ko kayo ng halimbawa. Hindi maaaring basta na lang ipawalang-bisa o dagdagan ang anumang kasunduang nalagdaan na. Ganoon din sa mga pangako ng Diyos.
16Nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang apo. Hindi niya sinabi, “sa iyong mga apo” na nangangahulugang marami, kundi “sa iyong apo” na ang ibig sabihin ay isa lamang, at itoʼy walang iba kundi si Kristo.
17Ito ang ibig kong sabihin: May kasunduang ginawa ang Diyos kay Abraham, at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang pangakong ito ay ibinigay ng Diyos sa kanya 430 taon bago niya ibinigay ang Kautusan. Kaya ang pangakong iyon ay hindi mapapawalang-bisa ng Kautusan.
18Sapagkat kung matatanggap natin ang pagpapala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, walang kabuluhan ang pangako ng Diyos kay Abraham. Ngunit ang totoo, ibinigay ng Diyos ang pagpapala bilang pagtupad sa pangako niya.