1Pagkatapos noon, nagsalita ang Panginoon kay Abram sa pamamagitan ng isang pangitain. Sinabi niya, “Abram, huwag kang matakot dahil ako ang magiging kalasag mo at gagantimpalaan kita.”
2Ngunit sinabi ni Abram, “O Makapangyarihang Panginoon, ano po ang halaga ng gantimpala nʼyo sa akin kung hanggang ngayon ay wala pa po akong anak? Ang magiging tagapagmana ng aking mga ari-arian ay si Eliezer na taga-Damasco.
3Hindi nʼyo po ako binigyan ng anak, kaya isa sa mga alipin ng aking sambahayan ang magiging tagapagmana ko.”
4Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hindi siya ang magiging tagapagmana mo kundi ang anak na nanggaling mismo sa iyo.”
5Pagkatapos, dinala siya ng Panginoon sa labas at sinabi, “Masdan mo ang mga bituin sa langit, bilangin mo kung makakaya mo. Magiging ganyan din karami ang iyong lahi.”