22Naramdaman niya na nagtutulakan ang kambal na sanggol sa loob ng kanyang tiyan. Sinabi ni Rebeca, “Kung ganyan lang ang mangyayari sa kanila pagdating ng panahon mabuti pang mamatay na lang ako.” Kaya nagtanong siya sa Panginoon tungkol dito.
23Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Dalawang bansa ang nasa iyong sinapupunan; ang dalawang bayan na nasa loob mo ay magkalaban. Ang isaʼy magiging makapangyarihan kaysa sa isa. Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata niyang kapatid.”
24Nang nanganak na si Rebeca, kambal ang anak niya.
25Ang unang lumabas ay mapula-pula at balbon, kaya pinangalanan nila siyang Esau.
26Nang lumabas ang ikalawa, ang kamay niya ay nakahawak sa sakong ng kanyang kakambal, kaya pinangalanan nila siyang Jacob. Si Isaac ay animnapung taóng gulang nang ipanganak ni Rebeca ang kambal.