12Dumating ang panahon, namatay ang asawa ni Juda. Pagkatapos ng kanyang pagdadalamhati, pumunta siya sa mga manggugupit ng balahibo ng kanyang mga tupa roon sa Timna. Kasama niyang pumunta roon ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam.
13May nagsabi kay Tamar na ang biyenan niya ay pupunta sa Timna upang pagupitan doon ang mga tupa nito.
14Nang marinig iyon ni Tamar, pinalitan niya ang kanyang damit na pambalo, at tinakpan ng belo ang kanyang mukha. Naupo siya sa may pintuan ng bayan ng Enaim, sa tabi ng daan na papunta sa Timna. Sapagkat kahit binata na si Shela ay hindi pa rin ibinibigay sa kanya upang maging asawa niya ito.
15Nang makita ni Juda si Tamar, inakala niyang isa siyang babaeng bayaran sapagkat nagtakip siya ng mukha.
16Dahil hindi niya namukhaan ang kanyang manugang, lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan at sinabi, “Halika, magsiping tayo.” Sumagot si Tamar, “Ano ang ibabayad mo sa akin upang sumiping ako sa iyo?”