17Sinabi ng Faraon kay Jose, “Sabihin mo sa mga kapatid mo na kargahan nila ng pagkain ang mga hayop nila at bumalik sa lupain ng Canaan.
18Pagkatapos, dalhin nila rito ang kanilang ama at ang kani-kanilang pamilya, dahil ibibigay ko sa kanila ang pinakamagandang lupain sa Ehipto at matitikman nila ang pinakamagandang ani nito.
19“Sabihin mo rin sa kanila na magdala sila ng mga karwahe mula rito sa Ehipto upang masakyan ng mga asawaʼt anak nila. At dalhin nila rito ang inyong ama.
20Huwag na silang manghinayang sa mga ari-arian nilang maiiwan dahil ang magagandang bagay sa buong Ehipto ay magiging sa kanila.”
21Ginawa ito ng mga anak ni Jacob. At ayon sa utos ng Faraon, binigyan ni Jose ang mga kapatid niya ng mga karwahe at pinabaunan ng pagkain sa kanilang paglalakbay.