1Ito ang panalangin ni Propeta Habakuk:
2Panginoon, narinig ko po ang tungkol sa inyong mga ginawa, at ako ay lubos na humanga sa inyo. Gawin ninyong muli sa aming panahon ang ginawa ninyo noon. At sa araw na ipadama ninyo ang inyong galit, maawa kayo sa amin.
3Ikaw ang Diyos na dumating mula sa Teman, ang Banal na Diyos mula sa Bundok ng Paran. Tinatakpan ang langit ng inyong kadakilaan at napupuno ang lupa ng mga papuri sa iyo.
4Darating kayong kasinliwanag ng araw; may sinag na lumalabas sa inyong mga kamay kung saan nakatago ang inyong kapangyarihan.