5Sapagkat kailanmaʼy wala ni isa man sa mga anghel ang sinabihan ng Diyos ng ganito: “Ikaw ang aking Anak, at ngayon, ako na ang iyong Ama.” At wala ring sinumang anghel na sinabihan ang Diyos ng ganito: “Akoʼy magiging Ama niya, at siyaʼy magiging Anak ko.”
6At nang isusugo na ng Diyos ang kanyang kaisa-isang Anak sa mundo, sinabi niya, “Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.”
7Ito ang sinabi ng Diyos tungkol sa mga anghel: “Ginagawa niyang hangin ang kanyang mga anghel, at nagliliyab na apoy ang kanyang mga utusan.”
8Ngunit ito naman ang sinabi ng Diyos tungkol sa kanyang Anak: “O Diyos, ang kaharian mo ay magpakailanman. Ang paghahari mo ay makatarungan.
9Kinalulugdan mo ang gumagawa ng matuwid at kinamumuhian mo ang gumagawa ng masama. Kaya pinili ka ng Diyos, na iyong Diyos, at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya sa mga kasama mo.”