5Dahil sa pananampalataya, dinala sa langit si Enoc kaya hindi niya naranasang mamatay. “Siyaʼy naglaho dahil kinuha siya ng Diyos.” Bago siya kinuha, sinasabi ng Kasulatan na nalugod ang Diyos sa kanya.
6Kung walang pananampalataya, walang sinuman ang makapagbibigay-lugod sa Diyos, sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat maniwalang may Diyos at binibigyan niya ng gantimpala ang mga taong humahanap sa kanya.
7Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari kahit hindi pa niya nakikita. Kaya gumawa siya ng isang barko para mailigtas niya ang kanyang sarili at ang pamilya niya. At sa pananampalataya niya, hinatulan ang mga tao sa mundo, pero itinuring siyang matuwid ng Diyos.
8Dahil sa pananampalataya, sinunod ni Abraham ang utos ng Diyos na pumunta sa lugar na ipinangako sa kanya. Umalis siya sa bayan niya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta.
9Dahil din sa pananampalataya, nanirahan si Abraham sa lupaing ipinangako sa kanya ng Diyos kahit na sa tolda lang siya tumira na parang isang dayuhan. Tumira rin sa tolda ang anak niyang si Isaac at apong si Jacob, na mga tagapagmana rin ng pangako ng Diyos.