22Ayon sa Kautusan, nililinis sa pamamagitan ng dugo ang halos lahat ng bagay na ginagamit sa pagsamba. At kung walang pagbubuhos ng dugo bilang handog sa Diyos, wala ring kapatawaran ng mga kasalanan.
23Kaya kailangang linisin sa pamamagitan ng ganitong paraan ng paghahandog ang mga bagay sa sambahang ito na larawan lang ng mga bagay na nasa langit. Ngunit nangangailangan ng mas mabuting handog ang mga bagay na nasa langit.
24Sapagkat hindi pumasok si Kristo sa isang banal na lugar na gawa ng tao at larawan lang ng mga bagay na nasa langit, kundi sa langit mismo. Siya ngayon ay namamagitan para sa atin sa harap ng Diyos.
25Ang punong pari ng mga Hudyo ay pumapasok sa Pinakabanal na Lugar bawat taon, na may dalang dugo ng hayop. Ngunit si Kristo ay minsan lamang naghandog ng kanyang sarili, at hindi na niya ito inulit-ulit pa.
26Dahil kung kailangang ulit-ulitin, maraming beses sanang nagdusa si Kristo mula pa nang likhain ang mundo. Ngunit minsan lamang siya naparito sa mundo upang alisin ang mga kasalanan natin sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang sarili. Ginawa niya ito ngayong matatapos na ang panahon.