3Sapagkat darating ang araw,’ sabi ng Panginoon, na ibabalik kong muli ang mga mamamayan kong taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkabihag. Ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila na magiging pag-aari nila.”
4Ito pa ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel at Juda.
5“Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Maririnig ang hiyawan ng mga tao hindi dahil sa tuwa kundi sa matinding takot.
6May itatanong ako sa inyo. Maaari bang manganak ang lalaki? Bakit nakikita ko ang mga lalaking namumutla at hawak-hawak ang tiyan na parang babaeng manganganak na?
7Lubhang nakakatakot kapag dumating na ang araw na iyon, at wala itong katulad. Panahon iyon ng paghihirap ng mga lahi ni Jacob, pero maliligtas sila sa bandang huli sa kalagayang iyon.