Jeremias 47

1Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay Propeta Jeremias tungkol sa Filistia noong hindi pa sinasalakay ng Faraon ang Gaza:

2Ito ang sinasabi ng Panginoon: “May bansang sasalakay mula sa hilaga na tulad ng bahang aapaw sa buong lupain. Wawasakin ng bansang ito ang lahat ng lungsod pati ang mga mamamayan nito. Magsisigawan at mag-iiyakan nang malakas ang mga tao; dahil sa takot.

3Maririnig nila ang ingay ng lagapak at mga yabag ng mga kabayo at mga karwahe. Hindi na lilingon ang mga ama upang tulungan ang mga anak nila.

4Sapagkat darating ang araw na wawasakin ang lahat ng Filisteo pati ang mga kakampi nila na tumutulong sa kanila mula sa Tiro at Sidon. Wawasakin ng Panginoon ang mga Filisteo. Ito ang mga taong mula sa Caftor.

5Ang mga taga-Gaza ay magpapakalbo, tanda ng kanilang pagluluksa, at ang mga taga-Ashkelon ay tatahimik sa kalungkutan. Kayong mga mamamayan sa kapatagan, hanggang kailan ninyo susugatan ang inyong sarili upang ipakita ang inyong kalungkutan?

6Nagtatanong kayo kung kailan ko ititigil ang pagpaparusa sa inyo sa pamamagitan ng espada ng Panginoon. Sinasabi ninyong ibalik ko na sa lalagyan ang aking espada at pabayaan na lang kayo.

7Ngunit paano ito mapipigil kung inutusan na ito ng Panginoon na salakayin ang Ashkelon at ang mga naninirahan sa baybayin ng dagat?”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.