1Ito ang mensaheng sinabi ng Panginoon kay Jeremias: “Ako, ang Panginoon, ang Diyos ng Israel ay nagsasabing: ‘Isulat mo sa aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo.
3Sapagkat darating ang araw,’ sabi ng Panginoon, na ibabalik kong muli ang mga mamamayan kong taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkabihag. Ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila na magiging pag-aari nila.”
4Ito pa ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel at Juda.
5“Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Maririnig ang hiyawan ng mga tao hindi dahil sa tuwa kundi sa matinding takot.
6May itatanong ako sa inyo. Maaari bang manganak ang lalaki? Bakit nakikita ko ang mga lalaking namumutla at hawak-hawak ang tiyan na parang babaeng manganganak na?
7Lubhang nakakatakot kapag dumating na ang araw na iyon, at wala itong katulad. Panahon iyon ng paghihirap ng mga lahi ni Jacob, pero maliligtas sila sa bandang huli sa kalagayang iyon.
8“ ‘Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo, ay nagsasabing sa panahong iyon, hindi na sila aalipinin ng mga taga-ibang bansa. Babaliin ko na ang pamatok sa kanilang mga leeg at tatanggalin ko na ang kanilang mga kadena.
9Silaʼy maglilingkod sa akin, ang Panginoon nilang Diyos, at hihirang ako ng kanilang hari mula sa angkan ni David.
10“ ‘Kaya huwag kang matatakot Jacob na aking lingkod, o manlulupaypay man, kayong lahi ni Israel,’ sabi ng Panginoon. ‘Sapagkat tutulungan ko kayo at aalisin mula diyan sa malayong lugar kung saan kayo binihag. Sa pagbabalik ninyo, mamumuhay na kayo nang payapa, tahimik, at walang kinatatakutan.
11Akoʼy kasama ninyo at ililigtas ko kayo,’ sabi ng Panginoon. Lubusan kong wawasakin ang mga bansa kung saan ikinalat ko kayo pero hindi ko ito gagawin sa inyo. Ngunit hindi rin ito nangangahulugang hindi ko kayo parurusahan. Didisiplinahin ko kayo nang nararapat.”
12Sinabi pa ng Panginoon: “Talagang malubha na ang inyong mga sugat at hindi na ito gagaling.
13Wala nang makakatulong o makakagamot sa inyo. Wala nang lunas para sa inyo.
14Nakalimutan na kayo ng mga kakampi ninyong bansa, ang mga nagmahal sa inyo dati; hindi na nila kayo pinapansin. Sinalakay ko kayo gaya ng pagsalakay ng kaaway. Matindi ang parusa ko sa inyo dahil malaki at marami ang inyong kasalanan.
15Huwag kayong dadaing na hindi na gumagaling ang sugat ninyo. Pinarusahan ko kayo dahil napakatindi at napakarami ng inyong kasalanan.
16“Ngunit ipapahamak ko rin ang lahat ng magpapahamak sa inyo, at ang lahat ng inyong kaaway ay bibihagin. Sasalakayin din ang lahat ng sumalakay sa inyo at sumamsam ng mga ari-arian ninyo, at sasamsamin din ang mga ari-arian nila.
17Ngunit gagamutin at pagagalingin ko ang inyong mga sugat kahit na sinasabi ng iba na kayong mga taga-Jerusalem ay itinakwil at pinabayaan,” sabi ng Panginoon.
18Sinabi pa ng Panginoon: “Muli kong ibabalik ang kayamanan ng mga lungsod ng lahi ni Jacob at kahahabagan ko sila. Ang lungsod at ang palasyo na winasak ay muling itatayo sa nararapat na lugar nito.
19Pagkatapos, aawit sila ng pasasalamat at sisigaw sa kagalakan. Pararamihin at pararangalan ko sila.
20Magiging maunlad ang kanilang mga anak katulad noong una. Patatatagin ko sila sa harap ko, at paparusahan ko ang sinumang mang-aapi sa kanila.
21Ang mga pinuno nilaʼy magmumula rin sa kanila. Palalapitin ko siya sa akin, at siya naman ay lalapit. Sapagkat walang sinumang taong mangangahas na lumapit sa akin kung hindi ko siya palalapitin,” sabi ng Panginoon.
22“Kaya magiging mamamayan ko sila at akoʼy magiging Diyos nila.
23Makinig kayo! Ang galit ng Panginoon ay parang bagyo o ipu-ipong hahampas sa ulo ng masasamang tao.
24Hindi mawawala ang matinding poot ng Panginoon hanggaʼt hindi niya nagagawa ang kanyang balak gawin. At sa mga huling araw, mauunawaan ninyo ito.”