7Lubhang nakakatakot kapag dumating na ang araw na iyon, at wala itong katulad. Panahon iyon ng paghihirap ng mga lahi ni Jacob, pero maliligtas sila sa bandang huli sa kalagayang iyon.
8“ ‘Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo, ay nagsasabing sa panahong iyon, hindi na sila aalipinin ng mga taga-ibang bansa. Babaliin ko na ang pamatok sa kanilang mga leeg at tatanggalin ko na ang kanilang mga kadena.
9Silaʼy maglilingkod sa akin, ang Panginoon nilang Diyos, at hihirang ako ng kanilang hari mula sa angkan ni David.
10“ ‘Kaya huwag kang matatakot Jacob na aking lingkod, o manlulupaypay man, kayong lahi ni Israel,’ sabi ng Panginoon. ‘Sapagkat tutulungan ko kayo at aalisin mula diyan sa malayong lugar kung saan kayo binihag. Sa pagbabalik ninyo, mamumuhay na kayo nang payapa, tahimik, at walang kinatatakutan.
11Akoʼy kasama ninyo at ililigtas ko kayo,’ sabi ng Panginoon. Lubusan kong wawasakin ang mga bansa kung saan ikinalat ko kayo pero hindi ko ito gagawin sa inyo. Ngunit hindi rin ito nangangahulugang hindi ko kayo parurusahan. Didisiplinahin ko kayo nang nararapat.”