2At noong ikaapat na buwan ng ikalabing-isang taon ng paghahari ni Zedequias, nawasak ng mga taga-Babilonia ang pader ng lungsod.
3Nang mapasok na nila ang Jerusalem, ang lahat ng pinuno ng hari ng Babilonia ay umupo sa Gitnang Pintuan ng lungsod. Naroon sina Nergal Sharezer na taga-Samgar, Nebo, Sarsekim na isang pinuno, at isa pang Nergal-sarezer na isang opisyal, at ang iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia.
4Nang makita sila ni Zedequias na hari ng Juda at ng mga sundalo nito, tumakas sila mula sa lungsod, pagsapit ng gabi. Doon sila dumaan sa halamanan ng hari, sa pintuang nasa pagitan ng dalawang pader, at pumunta sila sa Kapatagan ng Jordan.
5Ngunit hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Hinuli nila si Zedequias at dinala kay Haring Nebucadnezar sa Ribla sa lupain ng Hamat. At hinatulan siya roon ng kamatayan ni Nebucadnezar.
6Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedequias, pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedequias, at ang lahat ng pinuno ng Juda.