10Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedequias, pinatay ng hari ng Babilonia ang anak na lalaki ni Zedequias, at ang lahat ng pinuno ng Juda.
11At ipinadukot ng hari ang mga mata ni Zedequias, ikinadena siya at dinala sa Babilonia. Doon siya ikinulong hanggang sa siyaʼy mamatay.
12Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, nang ikalabinsiyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardiya ng hari ng Babilonia.
13Sinunog niya ang templo ng Panginoon, ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem, at ang lahat ng mahahalagang gusali.
14Sa pamamahala niya, giniba ng mga sundalo ng Babilonia ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem.