32At kapag itinaas na ako mula sa lupa, ilalapit ko ang lahat ng tao sa akin.”
33Sinabi ni Hesus na siya ay itataas upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.
34Sumagot ang mga tao sa kanya, “Nakasaad sa Kautusan na ang Mesias ay mabubuhay nang walang hanggan. Bakit mo sinasabing kailangang itaas ang Anak ng Tao? Sino ba itong Anak ng Tao na tinutukoy mo?”
35Sumagot si Hesus, “Maikling panahon na lang ninyong makakasama ang ilaw. Kaya mamuhay kayo sa liwanag ng ilaw na ito habang narito pa, upang hindi kayo abutan ng dilim. Sapagkat hindi alam ng naglalakad sa dilim kung saan siya papunta.
36Kaya sumampalataya kayo sa ilaw habang narito pa, upang maliwanagan ang isipan ninyo.” Pagkasabi ni Hesus nito, umalis siya at hindi na nagpakita sa kanila.