12Ang hangganan sa gawing kanluran ay ang dalampasigan ng Dagat Mediteraneo. Iyon ang mga hangganan sa paligid ng lupaing hinati sa mga sambahayan ng lahi ni Juda.
13Iniutos ng Panginoon kay Josue na ibigay niya ang isang bahagi ng lupain ng lahi ni Juda kay Caleb na anak ni Jefune. Ang lupaing ito ay ang Kiriat-arba, na siyang Hebron. (Si Arba ang ama ni Anak.)
14Pinalayas ni Caleb sa lupaing iyon ang tatlong lahi ni Anak: ang mga sambahayan nina Sesai, Ahiman at Talmai.
15Mula roon nilusob niya ang mga nakatira sa Debir (na nooʼy tinatawag na Kiriat-sefer).
16Sinabi ni Caleb, “Ibibigay ko bilang asawa ang anak kong si Acsa sa lalaking makakaagaw ng Kiriat-sefer.”