5Pagkatapos, sinabi ni Josue sa mga tao, “Linisin nʼyo ang inyong sarili dahil bukas magpapakita ang Panginoon ng mga kamangha-manghang bagay sa inyo.”
6Sinabi rin ni Josue sa mga pari, “Dalhin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan at mauna kayo sa mga tao.” At dinala nga ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan at nauna sila sa mga tao.
7At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, pararangalan kita sa harap ng lahat ng Israelita para malaman nilang sumasaiyo ako gaya ng pagsama ko kay Moises.
8Sabihin mo sa mga paring tagadala ng Kahon ng Kasunduan na pagtapak nila sa Ilog Jordan ay huminto muna sila.”
9Kaya sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Halikayoʼt sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi ng Panginoon na inyong Diyos.