2Mula sa Jerico, may mga lalaking inutusan si Josue para magmanman sa Ai, isang lungsod sa silangan ng Betel, na malapit sa Bet-aven. Kaya umalis ang mga ito at nag-espiya sa Ai.
3Pagbalik nila, sinabi nila kay Josue, “Hindi kailangang lumusob tayong lahat sa Ai, dahil kaunti lang naman ang mga naninirahan doon. Magpadala ka lang ng dalawang libo o kayaʼy tatlong libong tao para lumusob doon.”
4Kaya tatlong libong Israelita ang lumusob sa Ai, pero napaatras sila ng mga taga-Ai.
5Hinabol sila mula sa pintuan ng lungsod hanggang sa Shebarim, at tatlumpuʼt anim ang napatay sa kanila habang bumababa sila sa kabundukan. Kaya naduwag at natakot ang mga Israelita.
6Dahil sa lungkot, pinunit ni Josue at ng mga tagapamahala ng Israel ang mga damit nila, at nilagyan ng alikabok ang mga ulo nila, at nagpatirapa sila sa harapan ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon hanggang sa gumabi.