6Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Itinakwil nila ang Panginoon at sumamba sa mga imahen ni Baal at ni Astoret, at sa mga diyos-diyosan ng Aram, Sidon, Moab, Amon at Filisteo.
7Dahil dito, nagalit sa kanila ang Panginoon at pinasakop sila sa mga Amonita at mga Filisteo.
8At sa taon ding iyon, pinagdusa at pinahirapan nila ang mga Israelita. Sa loob ng labingwalong taon, pinahirapan nila ang lahat ng mga Israelita sa Gilead, sa silangan ng Ilog Jordan na sakop noon ng mga Amoreo.
9Tumawid din ang mga Amonita sa kanluran ng Ilog Jordan at nakipaglaban sa lahi nina Juda, Benjamin at ang sa sambahayan ni Efraim. Dahil dito, labis na nahirapan ang Israel.
10Kaya humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon. Sinabi nila, “Nagkasala po kami laban sa inyo, dahil tumalikod kami sa inyo na aming Diyos at sumamba sa mga imahen ni Baal.”