1Sa galit ng Panginoon, tinakpan niya ng makapal na ulap ang Jerusalem. Ibinagsak niya ang karangalan ng Israel, na parang itinapon mula sa langit papunta sa lupa. At dahil sa kanyang galit, pinabayaan niya ang kanyang templo sa Jerusalem.
2Walang awa ring sinira ng Panginoon ang lahat ng tahanan sa Israel. Sa galit niyaʼy giniba niya ang mga pader na nakapalibot sa Juda. Ibinagsak niya at inilagay sa kahihiyan ang kaharian pati na ang mga pinuno nito.
3Sa tindi ng kanyang poot, inalis niya ang lahat ng kapangyarihan ng Israel. Hindi niya ito tinulungan nang salakayin ng mga kaaway. Para siyang apoy na tumutupok sa mga lahi ng Israel at sa lahat ng bagay sa paligid nito.
4Iniumang niya ang kanyang pana sa kanyang mga mamamayan na naging parang mga kaaway niya. Pinatay ang lahat ng ipinagmamalaki nitong mga mamamayan. Ibinuhos niya ang kanyang matinding galit na parang apoy sa mga mamamayan ng Jerusalem.
5Winasak ng Panginoon ang Israel na parang isang kaaway. Sinira niya ang lahat ng mga pader sa bayan at mga palasyo. Dinagdagan ang pagdadalamhati at pag-iyak ni Juda.