4Pagkatapos, ipapatong ng nag-alay ang kanyang kamay sa ulo ng hayop, at ang handog na sinusunog na itoʼy tatanggapin bilang kapalit niya, upang matubos siya sa kanyang kasalanan.
5Pagkatapos, kakatayin niya ang baka sa presensya ng Panginoon, at ang dugo nitoʼy iwiwisik ng mga anak ni Aaron na mga pari sa paligid ng altar, sa bandang pintuan ng Toldang Tipanan.
6Pagkatapos, babalatan at hihiwain ng naghahandog ang handog na sinusunog.
7Magpapaningas ng apoy ang mga lalaking anak ng paring si Aaron sa ibabaw ng altar at maglalagay ng panggatong sa ibabaw nito.
8Pagkatapos, ilalagay nila nang maayos sa apoy ang mga hiniwang karne, pati ang ulo at taba.