1“ ‘Kung may mag-aalay ng handog na pagkaing butil sa Panginoon, kailangang magandang klase ng harina ang gagamitin niya. Hahaluan niya ito ng langis ng olibo at saka lalagyan ng insenso.
2Pagkatapos ay dadalhin niya ito sa mga anak ni Aaron na mga pari. Kukuha ang pari ng isang dakot ng harinang hinaluan ng langis ng olibo at nilagyan ng insenso, at susunugin niya sa altar, bilang tanda na ang handog ay para sa Diyos. Itoʼy handog na pagkaing nakalulugod ang samyo sa Panginoon.
3Ang matitira sa handog na pagkaing butil ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak, at ito ay napakabanal na bahagi mula sa handog na pagkaing butil na inialay sa Panginoon.