9At ipinasuot din niya ang turban sa ulo ni Aaron at sa harap ng turban ay ikinabit ang gintong sagisag ng pagtatalaga kay Aaron para sa Panginoon. Ginawang lahat ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
10Pagkatapos, kinuha ni Moises ang langis ng olibo at winisikan ang Tolda at ang lahat ng nasa loob bilang pagtatalaga ng lahat ng ito para sa Panginoon.
11Winisikan din niya ng langis ng olibo ang altar ng pitong beses at ang lahat ng kagamitan na naroon, pati ang planggana at ang patungan nito upang ihandog ang mga ito sa Panginoon.
12Pagkatapos, binuhusan niya ng langis ng olibo ang ulo ni Aaron bilang pagtatalaga sa kanya sa Panginoon.
13At pinalapit niya sa gitna ang mga anak ni Aaron at ipinasuot sa kanila ang kasuotan nila na pampari at nilagyan ng sinturon. Ipinasuot din sa kanila ang kanilang mga turban. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.