8Kaya lumapit si Aaron sa altar at kinatay niya ang handog na batang toro bilang handog para sa kasalanan.
9Ang dugo nitoʼy dinala sa kanya ng kanyang mga anak, at inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwinisik sa parang sungay sa mga sulok ng altar, at ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar.
10Sinunog niya sa altar ang mga taba at ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay mula sa handog para sa kasalanan ayon sa utos ng Panginoon kay Moises.
11Ang karne at ang balat ay sinunog niya sa labas ng kampo.
12Pagkatapos, pinatay din ni Aaron ang mga hayop na para sa handog na sinusunog. Ang dugo ay dinala ng kanyang mga anak sa kanya at iwinisik niya sa palibot ng altar.