3Kayaʼt nilibot niya ang mga lugar sa paligid ng Ilog Jordan para mangaral. Ipinahayag niya na kailangang pagsisihan at talikuran ng mga tao ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
4Sa gayon, natupad ang isinulat ni Propeta Isaias, “May sumisigaw sa ilang na nagsasabi, ‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon, tuwirin ninyo ang landas na kanyang lalakaran.
5Tatambakan ang mabababang lugar, at papatagin ang mga bundok at burol. Itutuwid ang liku-likong daan, at aayusin ang mga baku-bakong landas.
6At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Diyos.’ ”
7Maraming tao ang pumunta kay Juan para magpabautismo. Sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino namang nagsabi sa inyo na makakatakas kayo sa darating na parusa ng Diyos?