23Sinabi ni Hesus sa kanila, “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili.’ Ang gusto ninyong sabihin ay, ‘Gawin mo rin dito sa sarili mong bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ ”
24Dagdag pa niya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang propetang tinatanggap sa sarili niyang bayan.
25Alalahanin ninyo ang nangyari noong panahon ni Propeta Elias. Hindi umulan sa loob ng tatloʼt kalahating taon, at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Maraming biyuda sa Israel noon,
26pero hindi pinapunta ng Diyos si Elias sa kaninuman sa kanila. Sa halip, pinapunta siya sa isang biyudang hentil sa Sarepta na sakop ng Sidon.
27Ganyan din ang nangyari noong panahon ni Propeta Eliseo. Maraming tao sa Israel ang may malubhang sakit sa balat, ngunit wala ni isa man sa kanila ang gumaling. Sa halip, si Naaman pa na taga-Siria ang tanging pinagaling ni Eliseo.”