17At kumalat sa buong Judea at sa lahat ng lugar sa palibot nito ang balita tungkol kay Hesus.
18Ang lahat ng pangyayaring iyon ay ibinalita kay Juan na Tagapagbautismo ng kanyang mga alagad. Kaya tinawag ni Juan ang dalawa sa mga alagad niya
19at pinapunta sa Panginoon upang tanungin, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?”
20Pagdating nila kay Hesus, sinabi nila, “Pinapunta po kami rito ni Juan na Tagapagbautismo para itanong sa inyo kung kayo na ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba.”
21Nang mga sandaling iyon, maraming pinagaling si Hesus na mga maysakit sa ibaʼt ibang uri ng karamdaman, at mga sinasapian ng masasamáng espiritu. Marami din siyang pinagaling na mga bulag.