6Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo sa mga pari, “Iginagalang ng anak ang kanyang ama at iginagalang ng alipin ang kanyang amo. Pero bakit ako na inyong ama at amo ay hindi ninyo iginagalang? “Nilalapastangan ninyo ako. “Ngunit nagtatanong pa kayo, ‘Paano ka namin nilalapastangan?’
7“Nilalapastangan ninyo ako sa pamamagitan ng paghahandog ng maruruming handog sa aking altar. “Ngunit nagtatanong pa kayo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’ “Naging marumi ang inyong handog dahil sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang altar ng Panginoon.
8Kaya hinahandugan ninyo ako ng mga hayop na bulag, pilay o may sakit. Hindi tama iyan. Ganyan kaya ang ihandog ninyo sa inyong gobernador at tingnan nʼyo kung matutuwa at malulugod siya sa inyo,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.
9“Kayong mga pari, hilingin ninyo sa Diyos na kaawaan niya tayo. Pero sa ganyang klaseng mga inihahandog ninyo sa kanya, tiyak na hindi niya kayo kalulugdan. Iyan ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo.”
10“May isa sana sa mga pari nʼyo na magsara ng mga pintuan ng aking templo, upang hindi na kayo magsisindi ng walang kabuluhang apoy sa aking altar. Hindi ko tatanggapin ang inyong mga handog dahil hindi ako nalulugod sa inyo,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.