7“Ngunit nang makita ito ng mga magsasaka, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin na ang lupaing mamanahin niya.’
8Kaya sinunggaban nila ang anak ng may-ari, pinatay at itinapon sa labas ng ubasan.
9“Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan.
10Hindi nʼyo ba nabasa ang talatang ito sa Kasulatan? ‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.
11Gawa ito ng Panginoon at kahanga-hanga ito sa atin!’ ”