27“Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Maihahalintulad kayo sa mga libingang pininturahan ng puti at magandang tingnan sa labas, ngunit ang nasa loob ay puro kalansay at iba pang maruruming bagay.
28Ganyang-ganyan kayo, dahil sa paningin ng mga taoʼy pawang kabutihan ang ginagawa ninyo, ngunit ang kalooban ninyoʼy puno ng pagkukunwari at kasamaan.
29“Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ipinagtatayo ninyo ng magagandang mga libingan ang mga propeta at ang mga taong matuwid, at pinapalamutian pa ninyo ito.
30At sinasabi ninyo na kung buhay sana kayo sa panahon ng inyong mga ninuno, hindi ninyo papatayin ang mga propeta tulad ng ginawa nila.
31Kung ganoon, inaamin nga ninyo na lahi kayo ng mga taong pumatay sa mga propeta!