58Sumunod din si Pedro doon, ngunit malayo-layo siya kay Hesus. Pumasok siya sa bakuran ng punong pari at nakiupo sa mga guwardiya para malaman kung ano ang mangyayari kay Hesus.
59Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Sanhedrin ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya kahit hindi totoo laban kay Hesus upang mahatulan siya ng kamatayan.
60Ngunit wala silang nakuha, kahit marami pa ang lumapit at sumaksi ng kasinungalingan. Nang bandang huli, may dalawang lalaking lumapit
61at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya niyang gibain ang Templo ng Diyos at sa loob ng tatlong araw ay itatayo niya itong muli.”
62Tumayo ang punong pari at tinanong si Hesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na iyan laban sa iyo?”