35at ilang mga pari na nagpapatunog ng trumpeta. Sumusunod din si Zacarias na anak ni Jonatan. (Si Jonatan ay anak ni Semaias. Si Semaias ay anak ni Matanias. Si Matanias ay anak ni Micaias. At si Micaias ay anak ni Zacur na angkan ni Asaf.)
36Sumusunod naman kay Zacarias ang mga kasama niyang sina Semaias, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Netanael, Juda at Hanani. May dala silang mga instrumento katulad ng mga tinutugtog noon ni Haring David na lingkod ng Diyos. Ang grupong ito ay pinapangunahan ni Ezra na tagapagturo ng kautusan.
37Pagdating nila sa Pintuan ng Bukal, umakyat sila sa daang parang hagdan na papuntang Lungsod ni David. Dumaan sila sa palasyo ni David hanggang makarating sila sa Pintuan ng Tubig, sa gawing silangan ng lungsod.
38Ang ikalawang grupo ay nagmartsa pakaliwa sa itaas ng pader. Sumunod ako sa grupong ito kasama ang kalahati ng mamamayan. Dumaan kami sa gilid ng Tore na May Hurno papunta sa Malapad na Pader.
39Mula roon dumaan kami sa Pintuan ni Efraim, sa Lumang Pintuan, sa pintuang tinatawag na Isda, sa Tore ni Hananel, at sa Tore ng Isang Daan. Pagkatapos, dumaan kami sa pintuan na tinatawag na Tupa at huminto sa may Pintuan ng Guwardiya.