12Pagkatapos, ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab. Ngunit sinabi nila, “Hindi kami pupunta!
13Hindi pa ba sapat na kinuha mo kami sa Ehipto na isang lupaing masagana sa gatas at pulot para patayin lang kami dito sa ilang? At ngayon, gusto mo pang maghari sa amin.
14At isa pa, hindi mo kami dinala sa lupaing masagana sa gatas at pulot at binigyan ng mga bukid o mga ubasang magiging amin. Ngayon, gusto mo pa kaming lokohin? Hindi kami pupunta!”
15Nagalit si Moises at sinabi niya sa Panginoon, “Huwag po ninyong tatanggapin ang kanilang mga handog. Hindi ako nagkasala sa sinuman sa kanila; wala akong kinuha sa kanila kahit isang asno.”
16Sinabi ni Moises kay Kora, “Bukas, ikaw at ang iyong mga tagasunod ay pupunta sa presensya ng Panginoon sa Toldang Tipanan, at pupunta rin doon si Aaron.