14Uuwi ako ngayon din sa aking mga kababayan, ngunit bago ako umalis, paaalalahanan muna kita kung ano ang gagawin ng mga Israelitang ito sa iyong mga mamamayan balang araw.”
15Pagkatapos, sinabi ni Balaam ang propesiyang ito: “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.
16Narinig ko ang salita ng Kataas-taasang Diyos, at nakakita ako ng pangitain mula sa Diyos na Makapangyarihan. Nagpatirapa ako sa kanya at nagpahayag siya sa akin:
17“May nakita ako sa aking pangitain na hindi pa nangyayari. Sa hinaharap ay mamamahala ang isang hari sa Israel mula sa lahi ni Jacob. Ibabagsak niya ang mga Moabita at ang lahat ng lahi ni Set.
18Sasakupin niya ang Edom na kanyang kaaway, na tinatawag ding Seir, habang tumatatag ang Israel.