14Dahil noong nagrebelde ang mga Israelita sa akin doon sa bukal ng ilang ng Zin, sinuway ninyo ni Aaron ang aking utos na ipakita ang aking kabanalan sa mga mamamayan.” (Ang bukal na ito ay ang Meriba na nasa Kades sa ilang ng Zin.)
15Sinabi ni Moises sa Panginoon,
16“O Panginoon, Diyos na pinanggagalingan ng buhay ng lahat ng tao, pumili po sana kayo ng isang tao na mamumuno sa mga mamamayang ito
17at mangunguna sa kanila sa labanan, para ang inyong mga mamamayan ay hindi maging tulad ng mga tupang walang tagapagbantay.”
18Kaya sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ipatawag mo si Josue na anak ni Nun, na puspos ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanyang ulo.