10Sa ikawalong araw, kailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa pari doon sa pintuan ng Toldang Tipanan.
11Ihahandog ng pari ang isa bilang handog para sa kasalanan at ang isa bilang handog na sinusunog. Sa pamamagitan nito, mapapatawad siya sa kasalanan niya na paghipo sa patay. Sa mismong araw na iyon, itatalaga niyang muli ang kanyang sarili at muli niyang pahahabain ang kanyang buhok.
12Ang lumipas na mga araw ng kanyang paglilingkod sa Panginoon ay hindi kabilang sa pagtupad niya sa kanyang panata, dahil nadungisan siya nang nakahipo siya ng patay. Kailangang italaga niyang muli ang kanyang sarili hanggang sa matapos ang kanyang panata, at magdala siya ng lalaking tupa bilang handog na pambayad ng kanyang kasalanan.
13“Ito ang kanyang dapat gawin kapag natapos na niya ang kanyang panata bilang Nazareo: Kailangang dalhin siya sa pintuan ng Toldang Tipanan.
14Doon, maghahandog siya sa Panginoon ng mga sumusunod na hayop na walang kapintasan: isang lalaking tupa na isang taóng gulang bilang handog na sinusunog, isang babaeng tupa na isang taóng gulang din bilang handog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog pangkapayapaan.