15Bukod pa rito, maghahandog din siya ng mga handog na pagkaing butil para sa Panginoon, mga handog na inumin at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa, na ginawa mula sa magandang klaseng harina. Ang ibang tinapay ay makapal na hinaluan ng langis, at ang iba naman ay manipis na pinahiran ng langis.
16“Ang pari ang maghahandog nito sa Panginoon: Ihahandog niya ang handog para sa kasalanan at ang handog na sinusunog;
17pagkatapos, ihahandog din niya ang lalaking tupa bilang handog pangkapayapaan kasama ang isang basket na tinapay na walang pampaalsa. At ihahandog din niya ang mga handog na pagkaing butil sa Panginoon at ang mga handog na inumin.
18“At doon sa pintuan ng Toldang Tipanan aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok na simbolo ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon. Susunugin niya ito sa apoy na pinagsusunugan ng handog pangkapayapaan.
19“Pagkatapos nito, ilalagay ng pari sa kamay ng Nazareo ang balikat ng nilagang tupa at ang manipis at makapal na mga tinapay na walang pampaalsa na galing sa basket.