6Hahanapin nila at kukunin ang lahat ng nakatagong kayamanan ng mga lahi ni Esau.
7Lilinlangin kayo ng mga kakampi ninyong bansa. Ang mga bansang nakipagkaibigan sa inyo ay siya ring sasalakay sa inyo, at palalayasin nila kayo sa inyong bayan. Silang mga nakisalo sa inyo ang siya pang palihim na maglalagay ng bitag laban sa inyo.
8“Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi na sa araw ng paghatol ko sa inyo, lilipulin ko ang marurunong sa inyo. Mawawala ang karunungan sa Edom na tinatawag na Bundok ni Esau.
9Manginginig sa takot ang inyong mga sundalo sa lungsod ng Teman, kaya mamamatay kayong lahat na nakatira sa Bundok ni Esau.”
10Dahil sa inyong pagmamalupit sa lahi ni Jacob na inyong kapatid, malalagay kayo sa kahihiyan at lilipulin magpakailanman.