8Ang Panginoong Diyos ang makapangyarihan sa lahat. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at maging sa hinaharap. Kaya sinabi niya, “Ako ang Alpha at ang Omega.”
9Ako si Juan na kapatid ninyo at kasama sa paghihirap, sa kaharian ng Diyos, at sa pagtitiis dahil tayo ay nakay Hesus. Itinapon ako sa isla ng Patmos dahil sa pangangaral ko ng salita ng Diyos at ng katotohanang itinuro ni Hesus.
10Noong araw ng Panginoon, pinuspos ako ng Espiritu, at narinig ko ang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta mula sa aking likuran.
11At ito ang sinabi sa akin, “Isulat mo kung ano ang makikita mo, at ipadala agad sa pitong iglesya: sa Efeso, Esmirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia, at Laodicea.”
12Nang marinig ko ito, lumingon agad ako para tingnan kung sino ang nagsasalita sa akin. At nakita ko ang pitong lamparang ginto.