9At umawit sila ng bagong awit na ito: “Kayo po ang karapat-dapat na kumuha ng kasulatan at magtanggal ng mga selyo nito, sapagkat kayo ay pinatay, at sa pamamagitan ng inyong dugo ay tinubos nʼyo ang mga tao para sa Diyos. Ang mga taong nagmula sa bawat angkan, wika, lahi, at bansa.
10Ginawa nʼyo silang mga hari at mga pari upang maglingkod sa ating Diyos. At maghahari sila sa mundo.”
11Nakita ko at narinig ang tinig ng napakarami at libo-libong mga anghel na nakapaligid sa trono, sa apat na buháy na nilalang at sa dalawampuʼt apat na pinuno.
12Umaawit silang may malakas na tinig: “Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian at kapurihan!”
13At narinig ko ang bawat nilalang sa langit, sa lupa, sa ilalim ng lupa, at sa dagat na umaawit: “Ibigay sa nakaupo sa trono at sa Kordero ang kapurihan, kaluwalhatian, karangalan at kapangyarihan, magpakailanman!”