6Sumagot ang katiwala, “Isa po siyang Moabita na sumáma kay Naomi na bumalik mula sa Moab.
7Nakiusap siya sa akin na payagan ko siyang mamulot ng mga uhay na nalalaglag mula sa mga tagapag-ani. Mula kaninang umagaʼy tuloy-tuloy ang pagtatrabaho niya hanggang ngayon. Nagpahinga lang siya nang sandali sa kubol.”
8Sinabi ni Boaz kay Ruth, “Anak, makinig ka. Huwag ka nang pumunta sa ibang bukid para mamulot ng mga nalaglag. Dito ka na lang mamulot kasama ng mga utusan kong babae.
9Tingnan mo kung saan nag-aani ang mga tauhan ko at sumunod ka sa mga utusan kong babae. Sinabihan ko na ang mga tauhan ko na huwag kang galawin. At kapag nauhaw ka, uminom ka lang sa mga tapayan na inigiban ng mga tauhan ko.”
10Nagpatirapa si Ruth sa harapan ni Boaz at sinabi, “Bakit napakabuti nʼyo po sa akin gayong dayuhan lang ako?”